MANILA, Philippines - Isang tricycle driver at isang teenager ang sugatan nang mamaril ang isang motorista dahil lamang sa simpleng away trapiko sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ang mga sugatang biktima ay kinilalang sina Marlon Cabuñag, 39, tricycle driver at Carlo Kyle Cuntapay, 13, na nadamay lamang sa pamamaril habang naglalakad sa lugar papasok sa paaralan. Sila ay ginagamot ngayon sa East Avenue Medical Center.
Ayon kay Superintendent Michael Macapagal, hepe ng Quezon City Police District-Station 9, si Cabuñag ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang kili-kili, habang si Cuntapay ay nagtamo naman sa tama ng bala sa kanang hita.
Ang suspect na mabilis na tumakas ay sakay ng isang kulay puting Mitsubishi L300 van (UTA-657) na ngayon ay pinaghahanap na ng puwersa ng pulisya.
Dagdag pa ng opisyal, natukoy na ng kanyang mga imbestigador ang plaka ng sasakyan na nakapangalan sa isang Diosdado Picar, na naninirahan sa Kalayaan Avenue, Makati City.
Gayunman, sabi ni Macapagal, hindi pa malinaw kung ang nakarehistrong may-ari ang siya ring driver ng van o kaya ay ibinenta lamang ito sa ibang tao, dahil nagsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon.
Nangyari ang insidente habang tinatahak ng van ang kahabaan ng Kamias Road patungong Edsa ganap na alas- 8 ng umaga. Dito ay patawid naman sa intersection mula Brgy. Pinyahan patungong Cubao ang tricycle ni Cabuñag.
Dito ay naharangan ng tricycle ang van na nagdulot ng trapik sa lugar. Agad na bumaba ng van ang suspect at kinompronta si Cabuñag dahilan para mauwi ito sa argumento.
Sa gitna ng alitan, biglang nagbunot ng baril ang suspect saka hinampas si Cabuñag, na isa ring barangay tanod, saka pinaputukan ito, at nadamay din ang isa pang biktimang teenager.
Kahit sugatan, nagawang makabalik ng kanyang sasakyan si Cabuñag at umalis saka nagtungo sa ospital, habang ang suspect naman ay sumakay ng kanyang van saka tumakas.