MANILA, Philippines - Nagpalabas ng kautusan si Makati Mayor Jejomar Erwin Binay na ganap na nagbabawal ngayon sa paggamit sa lahat ng establisimento at mga pamilihan sa paggamit ng plastic bags sa pagbabalot ng mga produkto o pagkaing binibili ng mga publiko.
Sa ilalim ng Executive Order no. 007-2012, inamiyendahan nito ang isang EO ukol sa Section 21, 22, 23 ng “Solid Waste Management Code of Makati”. Dito kinilala at pinahintulutan na magamit pa ang mga tinatawag na primary packaging na gawa sa plastic habang ipinagbawal naman ang paggamit ng mga plastic bag at mga styrofoam containers na kasama naman sa secondary packaging. Kabilang sa primary packaging ang mga balot na plastic ng mga produkto tulad ng mga “snack foods, frozen foods at hardware. Partikular na pinapayagan ang mga bottled products, produktong nasa plastic sachet, balot ng mga sabon, noodles, cosmetics, balot ng sigarilyo, at iba pa.
Pinangalanan rin ng EO ang Plastic Monitoring Task Force (PMTF) na siyang mag-iikot sa lahat ng pamilihan, shopping malls, food chains, tindahan, mga kantin at kainan upang ipatupad ang kanilang ordinansa. Sa halip na plastic bag, maaari umanong gamitin ng mga establisimento ang libreng paper bags, cloth bags, o basket para ilagay ang mga pinamimili ng mga kostumer.
Sa ilalim ng ordinansa, papatawan ang isang indibidwal na matatagpuan na lumalabag ng P1,000 o pagkakulong ng mula lima hanggang 30 araw habang ang isang establisimiyento o korporasyon naman ay may katumbas na parusang P5,000 o pagkakulong ng hanggang 30 araw ang may-ari at posibleng pagkansela ng business license nito.