MANILA, Philippines - Apat katao na pinaniniwalaang mga holdaper ang nasawi matapos na makipagbarilan sa mga tauhan ng Manila City Hall Public Assistance (CHAPA) sa Baseco Compound, Tondo, Maynila, kahapon.
Dead-on-the-spot sina William Olivari, 38; Henry Ursual, 27; habang inilarawan ang dalawa na nasa edad 40-45, may taas na 5’6’’, katamtaman ang katawan, nakasuot ng asul na t-shirt at maong na shorts at may tattoo na “Jobert” sa kaliwang kamay at nakasuot ng itim na tsinelas, nasa edad 40-45 naman ang isa at may taas na 5’2’’, nakasuot ng dilaw na t-shirt at camouflage at itim sa tsinelas.
Dakong alas-11 ng umaga nang magtungo ang pulisya sa pangunguna ni Senior Insp. Rolando Lorenzo, Jr. sa Aplaya, Baseco Compound bunsod na rin sa impormasyon na ibinigay sa kanila ng isang residente rito tungkol sa presensya ng mga armadong kalalakihan sa lugar.
Nang magresponde ang mga pulis at mamataan ang mga sinasabing armadong lalaki na agad silang pinaputukan kung saan gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng apat sa mga ito.
Nakuha sa mga nasawi ang isang 380 pistol, isang caliber .38 at dalawang magnum at isang granada. Nabatid na ang grupo ay kinatatakutan sa lugar ng mga residente bunsod na rin ng umano’y sunud-sunod na pagkakaroon ng insidente ng salvaging.
Ang isa sa mga suspect ay sinasabing responsable sa pamamaslang sa isang pulis Maynila kamakailan.