Bebot binigti, itinapon sa kalye

MANILA, Philippines - Pinatay muna sa bigti bago itinapon ang bangkay sa kalye ng isang babae ng kanyang ka-live-in sa Caloocan City kahapon.

Kinilala ang biktima na si Ferilyn Caligdong, 29, ng Miramonte Heights, Brgy. 180 ng nabanggit na lungsod.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na nakilala lang sa pa­ngalang Rocky Motas na sinasabing kinakasama ng nasawi.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng Caloocan City Police, dakong alas-6:10 ng umaga, nakatanggap ng tawag sa telepono ang mga pulis na may bangkay ng babae sa kahabaan ng Macabud St., Brgy. 179 ng nabanggit na siyudad.

Pinuntuhan ng mga pulis ang nasabing lugar at nang malaman ang pangalan ng biktima ay agad namang tinungo ang bahay ni Caligdong.

Ayon sa mga pinsan ng biktima na sina Rose at Raquel, sa hindi pa batid na kadahilanan ay nagtatalo ang suspek at biktima sa loob ng kanilang bahay hanggang sa bigtihin ng pulang panyo si Caligdong ni Motas.

Binuhat umano ng suspek ang biktima at inakala nilang dadalhin ito sa ospital hanggang sa malaman na itinapon lang ang bangkay nito sa kalye. 

Habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy na nagsasagawa ng mala­limang imbestigasyon ang mga pulis hinggil sa in­sidente.

Show comments