'Tunnel gang' sumalakay sa sanglaan
MANILA, Philippines - Muling sumalakay ang mga kawatan na naghuhukay ng tunnel makaraang limasin ang nasa P2 milyong halaga ng alahas at salapi ng isang sanglaan, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Sa ulat ng Pasay City Police, pinasok ng mga magnanakaw ang Ablaza Pawnshop na nasa P. Santos St. malapit sa EDSA Malibay. Nabatid na nadiskubre ang naganap na pagnanakaw ng security guard ng sanglaan na si Mariel Linajares, 24, nang duty ito dakong alas-6:45 ng umaga.
Ayon sa kaherang si Marife Lopez, 23, nagawang mabuksan ng mga kawatan ang kaha-de-yero na pinaglalagyan ng mga natangay na alahas at P200,000 cash sa pamamagitan ng paggamit ng bareta de cabra, cutter, pliers at screwdrivers na iniwan pa ng mga salarin sa loob ng establisimento.
Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ni Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Investigation Division ng Pasay police, posibleng magdamag na naghukay ang mga miyembro ng sindikato mula sa imburnal ng makipot na daan patungo sa loob ng establisimento. Nakatulong pa umano ang paglambot ng lupa dahil sa pabugsu-bugsong pag-ulan sa lungsod hanggang sa makagawa ng butas papasok sa loob ng sanglaan.
Nabatid na maraming beses nang sumasalakay ang naturang sindikato sa mga sanglaan hindi lang sa Pasay City kundi sa mga karatig-lungsod na itinataon ang pagpasok sa establisimento tuwing Sabado o Linggo. Patuloy naman ang panawagan ng pulisya sa mga sanglaan na magkabit ng closed circuit television camera (CCTV) upang mamonitor at makilala ang mga salarin.
- Latest
- Trending