2 pulis protektor ng mga 'batang hamog', timbog
MANILA, Philippines - Arestado ng Manila Police District (MPD) ang dalawa nilang miyembro matapos ikanta ng magkapatid na menor-de-edad na sila ang nasa likod ng mga ‘batang hamog’ na nanghoholdap at nagnanakaw sa mga turista sa Ermita, Maynila.
Inihahanda na ang pagsasailalim sa inquest proceedings ng mga suspect na sina SPO1 Albert Tec at PO1 Jeffrey Surmalo, kapwa nakatalaga sa MPD-Station 5 (Ermita) na hawak ngayon ng MPD-Women and Children’s Protection Desk.
Ang pagkakadakip sa dalawang parak ay bunsod ng aksidenteng pagkukuwento umano ng magkapatid na may edad 16 at 17, sa kasamahan sa detention cell matapos arestuhin sa kasong robbery with violence against persons na ang dalawang pulis ang kanilang protektor sa ilegal na aktibidades.
Nang i-turn-over ang 2 menor-de-edad sa Womens Desk, doon ay tuluyan nilang ikinanta ang dalawang pulis na matagal na umanong may hawak sa kanila at sa iba pa nilang kasamahan sa pagnanakaw at panghoholdap.
Lumalabas na may 15 miyembro ng sindikato ang mga suspect at sa bawat lakad umano ng mga ito ay may parte na mas malaki ang mga pulis simula noong taong 2011.
- Latest
- Trending