MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong parricide sa Manila Prosecutors Office ng Manila Police District ang isang bagitong pulis sa Tuguegarao City na pumatay sa kanyang asawang nurse noong Hunyo 6 sa Sampaloc, Maynila.
Si PO1 Nathan Legasi, ng San Gabriel Village, Tuguegarao City ay sinundo ng MPD homicide section sa pamumuno ni Sr. Insp. Joselito Ocampo matapos na sumuko sa kanyang hepe na si Senior Insp. Richard Gatan ng PNP-PRO-2.
Ayon kay Legasi sumuko siya dahil hindi niya intensyon na patayin ang kanyang asawang si Krizza, 26, kung saan aksidente lamang umanong pumutok ang baril habang sila ay nag-aaway.
Inamin naman ni Velasco Legasi, ama ng suspect at pastor ng Baptist Church, na bagama’t pinagsisihan ng kanyang anak ang ginawa, taliwas iyon sa katuruan ng Bibliya.
Matatandaan na natagpuang patay ang biktima dakong ala-1:00 ng hapon noong Hunyo 6 sa loob ng Room 301 NIC Apartment sa Manrique St., Sampaloc.
Bago naganap ang insidente, dumating ang suspect sa nasabing apartment na nagpakilalang si Joshua Pacete ng Mabalacat, Pampanga at nirentahan ang Room 202 at namalagi ng 5 araw.
Makalipas lamang ng ilang oras nang makarinig si Lawrence Samonte, maintenance ng building ng sigaw ng babae kasunod ng putok ng baril. Paakyat na siya para mag-usisa nang makasalubong niya ang suspect na may dalang bag at tila baril na isinusuksok sa kanyang beywang.
Idinahilan ng suspect na ayaw niyang magtrabaho sa abroad ang kanyang asawa kung saan umalis ito mula sa probinsiya upang ayusin ang kanyang mga papeles papuntang abroad.