MANILA, Philippines - Timbog ang isang mag-live-in partner na umano’y tulak ng iligal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Taguig City, iniulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez, Jr. ang mag-live in na sina Rowell A. Barcena, 36, at Anne V. Torrrevillas, alias Eunice, 24, kapwa ng Taguig City.
Ayon kay Gutierrez, nadakip ang dalawa ng mga operatiba ng PDEA Regional Office-National Capital Region (RO-NCR) sa pamumuno ni Director Wilkins M. Villanueva matapos na makumpirma ang pagbebenta ng mga ito ng ilegal na droga, partikular ang shabu.
Agad na nakipagtransaksyon ang mga operatiba sa mga suspect at nagkasundo na magkita malapit sa bahay ni Barcena sa kahabaan ng Atis Street. Ganap na alas-9 ng umaga nang gawin ang buy-bust operation sa lugar, kung saan matapos na magpalitan ng items ay agad na dinamba ang mga suspect ng mga nakaantabay na awtoridad.
Nakuha sa mga suspect ang dalawang piraso ng plastic sachet ng shabu, na gagamitin ngayon ng PDEA para sa pagsasampa ng kaso laban sa kanila.
Nakapiit ngayon ang mga suspect sa PDEA jail facility sa Quezon City. Ricky T. Tulipat at Danilo Garcia