Dalaga dedo sa riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Isang dalaga ang nasawi makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem suspect sa lungsod Quezon kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Marieta Maravilla, 43, ng BMA St., corner Tatalon sa lungsod.

Mabilis namang tumakas ang mga suspect matapos ang isinagawang krimen.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Kabig­yanan St., Banawe ganap na alas-7:08 ng gabi.

Ayon sa saksi, nakarinig siya ng malakas na mga putok ng baril at mula sa nasabing lugar ay nakita niya ang mga suspect na binabaril ang biktima.

Nagawa pang maitakbo sa Fe del Mundo Hospital ang biktima pero idineklara rin itong dead-on-arrival.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente habang inaalam pa ang motibo ng nasabing pamamaslang.

Show comments