MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang hindi pa nakikilalang lalaki makaraang mabundol at takbuhan ng driver ng isang pampasaherong bus habang nagbibisikleta, kahapon ng umaga sa Makati City.
Inisyal na nakilala ang nasawing biktima na si Anthony Gonzales, 31, isang welder. Nakasuot ito ng dilaw na t-shirt, dilaw na sapatos at maong na short pants habang halos hindi maaninag ang mukha nito nang kumaskas sa kalsada makaraang makaladkad pa ng bus.
Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na tsuper ng BBL Bus (PYT-548) na nakilalang si Agripino Espanyol.
Sa inisyal na ulat ng Makati Traffic Division, naganap ang insidente dakong alas-7 ng umaga sa may Gil Puyat Avenue malapit sa kanto ng Marconi St. sa Makati City.
Nagkagulo na lamang sa naturang lugar nang mabangga ng bus ang nagbibisikletang biktima at makaladkad pa ng ilang metro. Sa halip na huminto, idiniretso pa ng tsuper ang bus at saka inabandona sa tapat ng Police Community Precinct 2 sa bahagi ng Pasay City saka mabilis na tumakas.
Nakikipag-ugnayan naman ngayon ang Makati Traffic Division sa pamunuan ng BBL Bus Company upang maisuko ang suspek at panagutan ang pagkakasala.