MANILA, Philippines - Walong 20-footer container van na naglalaman ng tinatayang P10-milyong halaga ng smuggled na bigas ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) mula sa China.
Iprinisinta kahapon sa media ni Customs Commissioner Ruffy Biazon na lumalabas umanong consignees na Seph Gabrielle Enterprises at Afidee Trading na pawang idineklarang aluminum frames at kitchen wares ang mga kargamento.
Nadiskubre sa nasabing mga van ang 4,000 sako ng bigas na kamakailan lamang umano dumating sa Port of Manila.
Una rito, may nauna nang nasabat na imported na sibuyas na sinasabing smuggle na nagkakahalaga ng P2.8-milyon mula rin sa bansang China.
Samantala, sinabi ni Deputy Commissioner Horacio Suansing, na inilagay nila sa alerto ang nasabing shipment makaraang matanggap ng kanilang mga tauhan ang kahina-hinalang address ng dalawang consignees.
Nilinaw ng Bureau na hindi pa pinapayagan ang importasyon ng bigas sa bansa upang bigyan ng pagkakataon ang mga lokal na magsasaka na kumita, maliban na lamang kung may kautusang magmumula sa National Food Authority o kaya ay may kompanya o negosyanteng awtorisado sa pag-importa ng bigas.