MANILA, Philippines - Nauwi sa pagkasawi ng isang ama ang pakikipag-away nito sa isa ring ama makaraang kapwa patulan ang away-bata ng kani-kanilang mga anak, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Namatay kaagad sanhi ng mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Elpidio Ibero, 55, pedicab driver at residente ng Villa Alfonso, Pulanglupa 1 habang mabilis namang tumakas ang suspect na si Pascual Zorbio, 37, kapitbahay ng nasawi.
Sa ulat ng Las Piñas City Police, nakikipag-inuman ang biktima sa kapwa pedicab driver na si Joaquin Abucay, 38 sa kanilang lugar dakong alas-8 ng gabi nang dumating ang suspek at sinita si Ibero sa ginawa umanong pagkampi sa anak nang maka-away ang kanya ring anak.
Humantong umano sa mainitang pagtatalo ang paninita ng suspek na agad na nagbunot ng patalim at sunud-sunod na inundayan ang kapitbahay saka mabilis na tumakas dala ang patalim na ginamit sa krimen.
Pansamantalang inilagak ang bangkay ni Ibero sa Mesina Funeral Homes habang inilunsad na ng pulisya ang pagtugis sa salarin.