MANILA, Philippines - Natupok ang isang bodega na pinag-iimbakan ng pintura makaraang sumiklab ang isang apoy sa isang commercial area, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Dakong alas-7 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa bodega na nasa kanto ng J. Teodoro St. at 9th Avenue, Gracepark, ng naturang lungsod. Alas-8:26 ng gabi nang ideklarang fire under control ang sunog at bandang alas-9:45 ng gabi na ito naapula.
Ayon kay Caloocan City fire marshall Supt. Roel Jeremy Diaz, nagsimula ang apoy sa Maspem Machinery Incorported na pagmamay-ari ng isang Feliza Sy.
Nahirapan naman ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil sa mga pintura at iba pang kemikal na nagsilbing gatong para lumaki pa ang apoy.
Tatlong fire volunteers naman ang nahirapang huminga dahil sa makapal na usok ngunit agad rin namang nalapatan ang mga ito ng lunas.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog habang patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pinagsimulan ng apoy at halaga ng pinsala nito.