Dean kinatay ng sariling anak
MANILA, Philippines – Isang dean ng Rizal Technological University (RTU) ang kinatay ng sariling anak na pinaniniwalaang may diperensiya sa pag-iisip, matapos na umano’y hindi ito payagan ng biktima na manood ng sine kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng mga saksak sa leeg at dibdib ang biktimang nakilalang si Dra. Doris Tulio, 55, Dean ng Physical Education Department ng RTU, at residente ng Paloverde Tower-3, Dansalan Garden, Brgy. Malamig, Mandaluyong City.
Itinuturong suspek sa krimen ang sariling anak ng biktima na si Roy Milton Tulio, 26, na umano’y may diprensiya sa pag-iisip.
Si Tulio ay nasa kustodiya na ngayon ng Mandaluyong City Police station matapos na madakip ng mga awtoridad.
Batay sa ulat ni SPO1 Erickson Buted, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng condominium unit na tinutuluyan ng mag-ina.
Sinasabing nag-iikot ang guwardiya ng condo unit nang madiskubre ang duguang bangkay ng dean sa pintuan ng kanilang tahanan.
Kaagad namang inaresto ng pulisya ang anak ng biktima matapos na marekober mula sa crime scene ang isang kitchen knife na may bahid ng dugo, na pinaniniwalaang siyang ginamit sa pamamaslang, gayundin ang duguang damit ng suspek.
Hindi naman itinanggi ng suspek ang krimen at sinabing pinatay niya ang sariling ina dahil nagalit siya rito nang hindi siya payagang magtungo sa mall upang manood ng sine.
“Saksak ko sa leeg (biktima), galit ako! Hindi payag si Mama punta sine,” pahayag pa ng suspek nang tanungin ng pulisya kung bakit niya pinatay ang kanyang ina.
Mismong ang tiyuhin naman ng suspek ang nagpatunay na may sakit talaga ito sa pag-iisip at talagang nananakit kapag nagagalit.
- Latest
- Trending