Selos at ayaw payagang mag-abroad, motibo sa pagpatay ng pulis sa nurse na misis
Manila, Philippines - Selos at ayaw payagang makapagtrabaho sa abroad ang lumalabas na motibo sa pamamaslang ng isang pulis sa kanyang misis na nurse sa isang apartment sa Sampaloc, Maynila, noong Miyerkules ng hapon.
Ito ay ayon kay MPD-Homicide Section chief, S/Insp. Joselito de Ocampo kaugnay sa isinasagawang inisyal na imbestigasyon kung kaya nakuhang barilin at mapatay ng isang PO1 Nathan Legasi, ng Tuguegarao Police ang misis niyang nurse na si Krizzia Legasi, 26, na pansamantalang nanuluyan sa NIC Building sa Sampaloc, Maynila habang pinoproseso umano ang kanyang mga papeles sa inaaplayang trabaho sa Estados Unidos.
Nabatid na may dalawang linggo na si Krizzia na nasa Maynila at sumunod lamang ang suspect nitong Miyerkules at nangupahan din sa ika-2 palapag ng NIC apartment, habang ang misis ay umupa naman sa ika-3 palapag.
Lumalabas na hindi umano nagpaalam ang biktima na luluwas ng Maynila sa kabila nang hindi umano pumayag ang mister. Nauna na umanong nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa hinggil sa pagtanggi ng suspect na umalis ang misis patungong abroad. Isang kaanak ng suspect ang nagturo kung saan matatagpuan ang biktima kaya natunton ito sa Sampaloc.
Matatandaang unang inulat ang pamamaril ng suspect na unang nagpakilalang Joshua Pacete, dakong alas-2:30 ng hapon noong Hunyo 6 sa nasabing apartment.
Sa pakikipag-ugnayan ng MPD sa Tuguegarao Police, hindi na nagre-report sa duty ang suspect na patuloy pang tinutugis.
Ibiniyahe na pauwi ng Tuguegarao ang bangkay ng biktima kahapon ng madaling-araw.
- Latest
- Trending