Manila, Philippines - Patay ang isang lalaki na hinihinalang ‘tulak’ ng droga matapos itong pagbabarilin ng pinaniniwalaang kakumpitensiya nito sa iligal na gawain sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Michael Cartilla, 33, ng Brgy. 35, Maypajo ng nabanggit na siyudad sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa caliber .9mm.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga kagawad ng Caloocan City Police laban sa suspek na nakilala lamang sa alyas na Gomer, na pinaniniwalaang isa ring ‘tulak’ ng droga na kalaban ni Cartilla sa bentahan.
Sa inisyal na report ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-8:00 ng gabi sa tapat ng bahay ng biktimang si Cartilla sa nabanggit na lugar.
Nabatid na nakatanggap ng text message ang ka-live-in ng biktima na si Connie Macalino mula sa suspek na nagbabanta dahil kinukumpitensiya umano siya ni Cartilla sa pagtutulak ng shabu.
Ayon kay Macalino, habang nasa loob sila ng kanilang bahay ay nakarinig sila ng sutsot, dahilan upang alamin ito ng biktima.
Kasunod na nito ang sunud-sunod na putok ng baril hanggang sa makitang nakabulagta na ang biktima.
Nakuha ng mga pulis sa tabi ng bangkay ni Cartilla ang isang sachet ng shabu at cash na P400.
Matapos ang insidente ay mabilis namang tumakas ang suspek na si Gomer.