Manila, Philippines - Nakinabang sa ilang araw na libreng pag-aaral ng basic sign language ang ilang mga tauhan ng QC Hall sa Basic Sign Language Training program ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte noong mga nakaraang buwan.
Ayon kay Belmonte, ang naturang programa ay bahagi ng pagpupursigi ng tanggapan na gawing “People With Disability Friendly City” ang lungsod.
Ang 30 tauhan ng QC hall na sumailalim sa naturang programa ang siyang maaatasang makipag-communicate sa mga may kapansanan laluna ang mga pipi na magsasagawa ng transaksyon sa lungsod.
Sa ganitong paraan anya, magiging mabilis ang pagkakaloob sa mga ito ng serbisyo ng lokal na pamahalaan.
Ngayong Hunyo 18 hanggang 22, 2012 naman ay mag-iisponsor din si Belmonte ng libreng basic sign language training sa mga tauhan ng QC Police sa Women and Children Protection desk, Station Investigation and Detective management section at front desk officers para matulungan at mapangalagaan ang kapakanan ng mga pipi at iba pang may kapansanan na nabibiktima ng karahasan o anumang uri ng krimen.