Manila, Philippines - Isang lalaki ang nasawi habang sugatan naman ang dalawa pa nitong kasamahan matapos na pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin dahil umano sa pagnanakaw ng mga una ng aso sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi sa alyas na John, 25-30-anyos, nakasuot ng kulay green na t-shirt at stripes na short pants at may tattoo sa dibdib na “Pingol, John-John” at Joseph Pranos sa kanang balikat.
Nilalapatan naman ng lunas sa Quezon City General Hospital (QCGH) ang mga sugatan na sina Jovet Candelario, 19 at Melchor Aguilar.
Ang suspect na armado ng kalibre .45 na baril ay mabilis namang tumakas sakay ng isang bisikleta.
Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Congressional Avenue malapit sa kanto ng Jupiter St. Brgy. Bahay Toro sa lungsod, ganap na alas-2 ng madaling-araw
Diumano naglalakad sa nasabing lugar ang mga biktima nang biglang sumulpot mula sa kanilang likuran ang suspect at sumisigaw ng katagang “Ibalik niyo ang mga aso.”
Paglingon ng mga biktima ay agad na nagbunot ng baril ang suspect at pinagbabaril ang mga ito, saka tumakas.
Nagawa pang maitakbo sa nasabing ospital ang tatlo pero tanging si John ang idineklarang dead on arrival.
Samantala, sinabi naman ni PO3 Joyce Marcelo ng QCPD-Station 3, umamin na umano ang isa sa mga biktima kaugnay sa ginawa nilang pagnanakaw ng aso.
Aniya, base sa kuwento ng isa sa mga biktima, paalis na sana umano sila nang sitahin at habulin ng suspect at pagbabarilin.