5-anyos nasagip sa sindikatong gumagamit ng paslit sa paglilimos
Manila, Philippines - Nasagip ng mga awtoridad ang isang 5-taong batang lalaki na dinukot ng isang tinedyer para gamitin sa pagpapalimos malapit sa isang eskwelahan sa Tondo, Maynila, kamakalawa.
Nabatid kay Manila Police District-Station 7 chief, Supt. Roderick Mariano, na may isang buwan na umano ang nakalipas nang dukutin ang biktimang itinago sa pangalang “Angelo”, at natagpuan lamang ng kanyang mga tauhan alas-5:30 ng hapon kamakalawa sa harap ng isang paaralan sa Hermosa St., Tondo, habang nanghihingi ng limos. Natagpuang nakasuot pa ng wig ang batang biktima.
Isinalaysay umano ng bata na ang dumukot sa kanya at dalawa pang mga kalaro, habang sila ay nasa Arlegui St., sa Quiapo ay isang lalaki. Si Angelo lamang ang ginamit ng suspect sa panglilimos na natagpuan nitong Miyerkules na nakasuot ng sleeveless na t-shirt at palda na may suot na wig upang magmukhang babae.
Idinulog ng ina ang problema sa mga awtoridad at walang tigil na pinaghahanap ang biktima hanggang sa mapadpad sa R. Papa hanggang sa matagpuan ang biktima sa tapat ng eskwelahan sa Hermosa St. Nang tanungin ang biktima kung sino ang kasama niya sa lugar ay itinuro ang suspect sa di-kalayuan na nagbabantay umano sa kanilang pagpapalimos.
Sa koordinasyon ng awtoridad at mga barangay opisyal, natunton ang suspect na kinilalang si Gerald Alejo, 18, residente ng Baliuag, Bulacan. Siya ay nakapiit sa nasabing presinto habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Human Trafficking Act.
Binanggit pa ng paslit na pinaiinom umano siya ng ihi ng suspect at tinatakot kapag hindi nagpalimos.
- Latest
- Trending