Kampanya vs jaywalkers simula na
MANILA, Philippines - Paalala sa mga pasaway na tumatawid sa bawal.
Simula ngayong araw pagmumultahin na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga mahuhuling lalabag sa “anti-jaywalking ordinance” ng pamahalaan.
Kahapon ay pawang paninita at pagpapaalala lamang sa umiiral na ordinansa laban sa walang disiplinang pagtawid sa mga kalsada ang isinasagawa ng mga tauhan ng MMDA ngunit ngayong araw ay titikitan na at pagmumultahin ng halagang P200 ang mga madadakip.
Pinasigla ang kampanya laban sa jaywalking ng pamahalaan dahil sa tumataas ang bilang ng mga naaaksidente sa iba’t ibang lansangan sa Kamaynilaan partikular na sa EDSA at Commonwealth Avenue dahil sa pagpili ng publiko na makipagpatintero sa mga humaharurot na sasakyan kaysa gamitin ang mga itinayong footbridges.
Nilinaw naman ng MMDA na tanging mga enforcers nila na nakasuot ng pulang uniporme o “Men in Red” lamang ang may awtoridad na manghuli at maniket ng mga jaywalkers.
Pitong lugar na natukoy na mataas ang bilang ng aksidente sa mga pedestrian ang unang tututukan ng MMDA. Ligtas naman sa multa ang mga estudyante, senior citizen at mga may kapansanan habang tiyak na pagmumultahin ang mga pedestrian na nasa tamang edad at may malalakas na katawan para umakyat sa mga footbridges.
Bibigyan naman ng “on-the-spot” na 15 minutong lecture sa “disaster preparedness” ang mga pedestrian na hindi kayang magbayad ng P200 multa.
- Latest
- Trending