MANILA, Philippines - Todas ang isang estibador sa isang security guard sa Pier 2, nang tangkain ng una na nakawin ang baterya ng truck sa loob ng binabantayang compound, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Bigong maisalba ng mga doctor sa Gat Andres Bonifacio Hospital ng biktimang si Jefferson Visto, binata, ng Purok 2 Isla Puting Bato, Tondo, Bunsod ng balang tinamo sa tiyan at likod.
Nakatakas naman umano ang suspect na nakilala lamang sa apelyidong “Ledesma”, empleyado ng MBZ Security and Investigative Specialist at nakaduty sa Wells Fargo compound, sa Pier 2, Tondo.
Sa ulat ni SPO2 Virgo Villareal ng Manila Police District -Homicide Section, dakong alas 2:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng Wells Fargo compound, Tondo.
Sinabi ng isang Elmer Zapata, Operations Manager ng Wells Fargo trucking, nagro-roving inspection ang nasabing sekyu nang makita ang biktima at tatlo pang kasamahan sa aktong kinakalas ang baterya ng isang truck na may plakang UVM- 814.
Nang sitahin ang biktima ay sinugod pa umano nito ng suntok ang suspect hanggang sa magbunot ng baril at paputukan ang biktima.
Isinugod sa nasabing pagamutan ang biktima na binawian ng buhay makaraan ang dalawang oras habang ang suspect ay hindi na makita sa nasabing pinagtatrabahuhan.