Lider ng Hamog Boys timbog
MANILA, Philippines - Arestado ang itinuturong isa sa lider ng “Hamog Boys” sa Makati City nang habulin ito ng biniktimang taxi driver katulong ang mga kagawad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Buendia, Makati City kahapon ng umaga.
Nakilala ang nadakip na suspect na si Joshua Anana, 18, ng Guadalupe Viejo, Makati City habang nakatakas naman ang kasamahan nitong si alyas Johnny.
Sa salaysay ng biktimang si Emeterio Nahid, taxi driver, kasalukuyan siyang naiipit sa buhol na trapik sa may southbound ng EDSA-Buendia dakong alas-7 ng umaga nang buksan ng mga suspect ang magkabilang pinto ng taxi at hablutin ang kanyang wallet.
Agad namang bumaba si Nahid at hinabol ang dalawang suspect. Umabot ang habulan malapit sa Ayala Avenue kung saan nakahingi ng saklolo si Nahid sa mga traffic enforcer ng MMDA na siyang nakasukol kay Anana.
Aminado ang suspect na matagal na niyang gawain ito mula pa noong menor-de-edad siya pero dahil nasa ligal na edad na siya ngayon ay matutuluyan na siyang makulong sa kasong attempted robbery.
Ang Hamog Boys na kinabibilangan ng halos pawang mga menor-de-edad na lalaki ay matagal nang nambibiktima sa kahabaan ng EDSA mula Guadalupe hanggang Buendia sa Makati at umaabot pa sa Boni Avenue sa Mandaluyong kung saan kinakalabog ang nakahintong sasakyan dahil sa trapik. Kapag bumaba ang nag-iisang driver, dito sasalisi ang kasamahan para pagnakawan ang sasakyan.
- Latest
- Trending