MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na sapat ang mga classroom sa may 71 elementary at 32 high schools na pampublikong paaralan sa lungsod.
Ang paniniyak ay ginawa ni Lim kasabay ng pagbubukas ng klase ngayong araw. Aniya, sinabi ni Dr. Ponciano Menguito, division of city schools superintendent na magkakaroon ng dalawang shift ng mga estudyante.
Ayon kay Lim, mas mababawasan pa ang pagsisikip ng mga silid aralan sa nalalapit na pagbubukas ng Phase 1 ng Benigno Aquino Elementary School (BAES). Makakatulong ito upang mabawasan ang mga estudyante sa Baseco Elementary School.
Ang BAES-Phase 1, ay may 14 na classrooms, gayundin ang Phase 2 at 3 na kasalukuyang ginagawa.
Sinabi naman ni Menguito, na umaabot sa 280,000 ang inaasahang dadagsa ngayon sa mga public elementary at high schools. Hindi pa kasama dito ang libong mga estudyante ng City College of Manila na pinamumunuan ni Atty. Sol Arboladura at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila sa pamumuno naman ng pangulo nito at secretary to the mayor Atty. Rafaelito Garayblas.
Samantala, inatasan din ni Lim si Manila Police District Director Chief Supt. Alex Gutierrez na tiyakin na sapat ang mga tauhan ng MPD na magmementina ng peace and order sa paligid ng mga paaralan.
Ayon naman kay Gutierrez umaabot sa 100 uniformed policemen ang kanyang ipinakalat bukod pa sa mga nasa police assistance desks upang mahingan ng tulong ng mga estudyante sa lugar tulad ng Divisoria, Taft Avenue, Binondo at Recto Avenue.
Pinamementina din ni Lim ang daloy ng trapiko mula sa traffic bureau na pinamumunuan ni Col. Reynaldo Nava at Manila Traffic and Parking Bureau sa pangunguna ni Nancy Villanueva.