MANILA, Philippines - Naghain ng reklamo sa Manila Police District-General Assignment Section ang isang miyembro ng Philippine Navy laban sa isang umano’y mataas na opisyal ng Philippine National Police na nanapak at nanutok ng baril dahil lamang umano sa masamang tingin, sa isang bar, sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Sa reklamo ng biktimang si Weicid Ryan Anas, 29, binata, miyembro ng PN at residente ng no. 311 J. Baybay Tanza, Iloilo City, sinapak siya at tinutukan ng baril ng suspect na nakilala lamang sa identification card na si “Supt. Tuano”, dakong ala-1:45 ng madaling-araw sa Cowboy Grill sa Malate, Maynila.
Nauna dito, nag-iinuman ang grupo ng biktima habang sa kabilang mesa ay ang grupo ng suspect nang napatingin umano ang biktima sa isa sa grupo ng suspect.
Minasama umano ito ng kasama ng suspect at nilapitan sila kasama ang nagpakilalang ‘colonel Tuano’, na nagpakita pa umano ng ID bago siya sinapak.
Binalikan pa umano sila ng nasabing PNP official at sa pagkakataong iyon ay may bitbit na baril na itinutok sa kaniya bagamat hindi naman ipinutok, bago umalis ng bar.
Aalamin pa ang buong pangalan ng nasabing opisyal para sa paghahain ng pormal na kaso.