MANILA, Philippines - Napatay ang isang technician matapos itong saksakin ng kanyang anak-anakang lalaki sa inuman kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Rodney Cervantes ng Phase 2, Package 2, Block 45, Lot 8, Bagong Silang sa nasabing lungsod.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek na si Ryan Soliman, 25, ng naturang lugar.
Naganap ang krimen dakong alas-2 ng madaling-araw may ilang metro lamang ang layo sa bahay ng biktima.
Ayon sa salaysay ni Esteban Larangan, 48, unang namataan niya ang dalawa na nag-iinuman kung saan ilang minuto ang nakalipas ay umugong ang kaguluhan hanggang sa bumulagta ang biktima.
Agad ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ng mga kaanak ng biktima ang insidente at natagpuan ng mga pulis ang kulay puting polo shirt na puno ng dugo na sinasabing pag-aari ng suspek.