MANILA, Philippines - Inatasan ni Chief of Staff at Media Information Bureau chief Ric de Guzman ang Manila City Health Department na inspeksiyunin and mga canteen ng bawat pampublikong paaralan upang matiyak na malinis ito, kasabay ng pagbubukas ng klase bukas.
Ayon kay de Guzman, prayoridad ni Manila Mayor Alfredo Lim na malinis ang pasilidad ng mga paaralan partikular ang canteen kung saan nakalagak ang pagkain ng mga estudyante.
Aniya, dapat na walang lamok o langaw na nakapapasok na posibleng pagmulan ng anumang sakit ng mga estudyante kasabay ng pagdagsa ng mag-aaral ngayon Lunes.
Posible rin sumailalim sa inspection ang mga magtitinda sa paligid ng paaralan upang masiguro na malinis ito at hindi pagmumulan ng anumang uri ng sakit.
Bagama’t hindi mapipigilan ang mga vendor na magtinda sa paligid ng paaralan, dapat lamang na may abiso ang mga ito o permiso mula sa principal o kaya ay sa opisyal ng paaralan.
Paliwanag ni De Guzman, kaligtasan at kalusugan lamang ng mga mag-aaral ang tinututukan kung kaya’t kailangan ang kaunting paghihigpit.
Kasabay nito, pinayuhan na rin nito ang mga magulang na pagbaunin na lamang ng pagkain ang kanilang anak upang matiyak na malinis at ligtas sa sakit.