Lider ng holdaper bulagta sa shootout
MANILA, Philippines - Burado na sa talaan ng wanted person ang notoryus lider ng robbery group na sinasabing nakapatay ng pulis matapos bumulagta sa barilan laban sa mga pulis kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang napatay na si Jomer Cruz, 40, nanunuluyan sa New J. Hotel sa Felix Huertas St., Sta. Cruz, Maynila, miyembro ng Sputnik Gang at lider ng Jomer Robbery Group.
Sa ulat ni SPO2 Glenzor Vallejo ng Manila District Police-Homicide Section, dakong alas-12:40 ng madaling-araw nang maganap ang shootout.
Ayon kay P/Chief Insp. Daniel Buyao, matagal na nilang pinaghahanap si Cruz matapos nitong mapatay si PO2 Joel Magno ng Malabon PNP na rumesponde lamang sa holdapan sa pampasaherong dyip sa Sampaloc, Maynila noong Abril.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Buyao ay inilatag ang operasyon sa panulukan ng Tomas Mapua at Antipolo Streets.
Papalapit pa lamang ang mga operatiba ng pulisya nang pagbabarilin sila ni Cruz kaya gumanti ng putok sina SPO1 Ramon Acquiatan at PO2 Jansey San Pedro.
Bumulagta si Cruz matapos tamaan sa dibdib, kanang braso at tiyan.
Sa beripikasyon ng pulisya, lumilitaw na isa si Cruz na pumuga sa naganap na jailbreak sa bayan ng Teresa, Rizal noong Pebrero 28, 2011.
Nabatid na suspect din si Cruz sa pagnanakaw ng kuwintas (P40,000) ng biktimang si Jose Balatbat, 63, ng Solis St., Tondo, Maynila.
Bukod pa sa pagpatay kay PO2 Magno, si Cruz din ang sinasabing suspect din sa pamamaril kay PO2 Julius Barrientos at ang security guard sa Sta. Cruz, robbery sa sangay ng Mercury Drug Store, 7/11 at Shell gasoline sa Sta. Cruz, Maynila, maliban pa sa mga rekord sa korte kung saan may kinakaharap na mga kasong paglabag sa iligal na droga.
- Latest
- Trending