Manila, Philippines - Hindi pinalusot ng mga awtoridad ang isang tinsmith nang ituro ng kanyang kapitbahay sa iligal na pagpapaputok ng baril, sa kabila ng depensa na aksidente lamang na pumutok habang nililinis, sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Inihahanda pa ang mga kasong kriminal na isasampa laban sa inarestong si Leopoldo Gavina, residente ng #1065 PNR compound, Batangas St., Tondo na nakapiit sa Manila Police District (MPD)-Station 7.
Sa ulat ni Supt. Roderick Mariano, hepe ng MPD-Station 7, dakong alas-6:00 ng gabi nang maaresto ang suspect na si Gavina sa Maria Guanzon St., Tondo, Maynila.
Bago ang pag-aresto, sinabi ni Edwin Suyao, kagawad ng Brgy. 152, Zone 14, District 2, nagpapakain siya ng alagang aso nang marinig niya ang malakas na putok at dahil naalarma ay inalam ang pinanggalingan ng putok.
Nasilip ni Suyao si Gavina habang hawak-hawak pa nito ang isang kalibre .38 na paltik at nang tanungin ay nililinis lamang ang baril na aksidenteng pumutok.