Manila, Philippines - Pormal na naghain ng reklamo ang isang anak ng miyembro ng Philippine Air Force (PAF) sa Manila Police District-General Assignment Section bunsod ng pangongotong ng dalawang pulis na naka-off duty ng halagang P1,000 habang sakay sila ng taxi sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Matapos makotongan, dumiretso sa MPD headquarters ang biktimang si Jerome Viana, 28, empleyado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at residente ng P53-1015 St.Villamor Airbase, Pasay City at pinuntahan ang tanggapan ng Mobile Unit kung saan nakatalaga ang mga suspect na sina SPO2 Joseph Asucro at PO3 Rio Reyes.
Nagulat pa umano ang dalawang pulis nang makita ang presensiya ng biktima.
Sa reklamong inihain kay SPO3 James Poso, ang insidente ay naganap dakong alas-2:46 ng madaling-araw sa north-bound lane ng Road 10 Tondo kung saan sinita ng dalawang suspect ang taxi na sinasakyan ng biktima dahil sa overloading.
Hindi umano ang taxi driver ang kinuwestiyon at sa halip ay siya at apat niyang kasama sa taxi ang tinakot na kakasuhang overloading at bagansiya.
Bagamat nagpakilala si Viana na anak ng PAF, hiningan umano siya ng P2,000 ng dalawang suspect na nauwi sa tawad niyang P1,000.
Sa beripikasyon, ang duty lamang ng dalawa ay mula alas 3:00 ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi at nangangahulugang hindi na naka-duty ang dalawa nang maganap ang diumano’y pangongotong.