Manila, Philippines - Tututukan ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paglilinis sa mga estero at mga drainage na malapit sa mga paaralan makaraan ang biglaang pagbabaha sa ilang bahagi ng Metro Manila kamakalawa.
Ito’y upang makatiyak ng ligtas na pasukan ang mga batang mag-aaral ngayong Hunyo 4.
Binalikan din naman kahapon ng MMDA ang mga lugar na nagkaroon ng pagbabaha kung saan nagsagawa na ng paglilinis sa mga drainage sa may EDSA Cubao-P. Tuazon tunnel, sa Santolan, Magallanes, at maging sa Katipunan Avenue sa tapat ng Ateneo de Manila University kung saan umabot sa 12 pulgada ang baha.
Ngayon pa lang, may banta na ng pagbabaha sa Metro Manila dahil sa weather forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa patuloy na pag-ulan dahil sa bagyong “Ambo” na nasa bansa na at maaaring manatili hanggang Hunyo 5.
Muli namang nanawagan ang MMDA sa publiko na iwasan na ang matinding pagkakalat kung saan nagbabara ang kanilang mga basura sa mga estero at drainage na pangunahing sanhi ng pagbaha.
Tuluy-tuloy pa rin naman ng pagpipinta ng MMDA sa mga “pedestrian lanes” sa mga kalsada sa tapat ng mga paaralan upang maging ligtas sa pagtawid ang mga mag-aaral ngayong pasukan.
Tinatayang nasa 1,300 pedestrian lanes ang muling pipinturahan upang maipaalala sa estudyante at publiko ang disiplina sa tamang pagtawid sa mga lansangan na hindi na pinapansin ngayon dahil sa talamak na “jaywalking” sa Metro Manila.
Nitong nakaraang Martes, inaprubahan na ng Metro Manila Council ang pagtataas sa P200 buhat sa dating P150 ang multa sa mga mahuhuling lumalabag sa “anti-jaywalking ordinance” ng pamahalaan.