Manila, Philippines - Tatlong kabataan ang inaresto ng awtoridad matapos na holdapin ang isang mag-asawa at saktan pa nila ang mga ito sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ni PO3 Marlon Tan, may-hawak ng kaso, ang mga suspect na sina Gaddi Clores, 22, Jade Garrata, 18, at isang 17-anyos, pawang mga residente sa Agham Road, Brgy. Bagong Pag-Asa.
Ayon kay Tan ang mga suspect ay inaresto matapos holdapin ang mga biktimang sina Bonifacio Ciriaco, 57, at asawang si Marietta, 56, sa may panulukan ng EDSA at West Avenue, Quezon City.
Si Marietta ay nagtamo ng sugat sa kanang kamay matapos na saksakin ni Garrata. Nangyari ang insidente habang ang mag-asawa ay naglalakad sa naturang lugar at lapitan ng mga suspect.
Kasunod nito ,biglang nagdeklara ng holdap ang mga suspect sabay tutok ng patalim kay Bonifacio at kinuha ang bracelet nito.
Tinangka pang manlaban ni Bonifacio, pero inambaan siya ng saksak ng mga suspect.
Nakita naman ni Marietta ang pangyayari at tinangkang awatin ang suspect pero siya naman ang nasaksak nito.
Matapos nito ay agad na sumibat ang mga suspect pero nakita pala ang insidente ng mga security guard na sina Rodel Mesina at Eduardo Amador at hinabol ang mga suspect
Narekober sa mga suspect ang tatlong patalim na ginamit sa nasabing panghoholdap, maging ang gold bracelet ni Bonifacio na nagkakahalaga ng P50,000.