Manila, Philippines - Tiniyak ni Manila City Administrator Jesus Mari Marzan na mabibigyan pa ng kalidad na edukasyon ang mga mag-aaral ngayong pasukan matapos na maglabas ng kautusan si Manila Mayor Alfredo Lim na tutukan ang sistema ng edukasyon sa mga guro.
Ayon kay Marzan, isa lamang ang edukasyon sa mga priyoridad ni Lim para sa mga Manilenyo.
Kabilang na din dito ang kalusugan at peace and order.
Sinabi ni Marzan na maging ang mga mag-aaral ay matututukan na rin ng mga guro dahil mababawasan na rin ang pagsisikip ng bawat silid aralan.
Nabatid na ilang paaralan ang kamakailan ay binuksan ni Lim bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase sa Lunes.
Samantala, pinayuhan din ni Marzan ang mga magulang na maging mahinahon sa pagbubukas ng klase sa posibilidad na magkaroon ng kalituhan sa unang araw.
Paliwanag ni Marzan, hindi naman nawawala ang kalituhan sa unang araw ng klase subalit kailangan lamang ang tamang pakikipag-usap sa sinumang opisyal ng paaralan alinsunod na rin sa kanilang sistema.