MANILA, Philippines - Kapwa patay ang dalawang tricycle driver nang magsaksakan ang mga ito matapos maungkat ang dati nilang alitan habang kapwa naghihintay ng kanilang magiging pasahero kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital sina Francis Manansala, 35; at Pablo Fabia, 52, kapwa may asawa at kapwa nakatira sa Heroes Del 96, Brgy. 73, ng nasabing lungsod.
Nabatid na dakong alas-5:30 ng umaga naganap ang insidente sa Apostol St., ng nasabing lungsod habang parehong naghihintay ng kani-kanilang pasahero ang dalawa nang magtalo at maungkat ang kanilang dating alitan.
Sa gitna ng pagtatalo ay bumunot ng patalim si Fabia at sinaksak si Manansala habang nagawa namang mabunot ng huli ang patalim na nakabaon sa kanyang dibdib na naging dahilan upang makaganti ito ng saksak sa una.
Matapos ay kapwa dinala sa naturang pagamutan ang dalawa subalit hindi na rin umabot ng buhay ang mga ito.