Manila, Philippines - Nahuli ng mga operatiba ng Quezon City Police Anti Carnapping Division ang lider ng MJ Jimenez carnapping group at tatlong iba pa sa isinagawang operasyon ng pulisya sa lungsod nitong nakalipas na linggo.
Kinilala ni QCPD district director chief Supt. Mario dela Vega ang nadakip na si Miguel Jimenez, alyas Mike, leader ng MJ Jimenez carnapping group, Carlito Montalbo, Deo Rey Dumpit at Andrew Reyes.
Sa isang press conference kahapon, sinabi ni Dela Vega na nadakip ang mga suspek dakong alas-9:30 ng gabi malapit sa Sulo Hotel sa Matino St., Brgy.Central sa lungsod.
Nabatid sa ulat na namataan ang suspek na si Jimenez at Montalbo habang sakay ng isang kulay green na Volkswagen (ULM-607) sa naturang lugar na hinihinalang carnap.
Sinita ang mga suspek ng mga tauhan ni Supt. Ferdinand Villanueva ng QCPD District Anti-Carnapping Unit dahil sa kahina hinalang karnap ang dalang sasakyan. Walang naipakitang mga dokumento ang mga ito kaya tuluyan silang dinala sa himpilan ng pulisya.
Nakuha sa mga suspek ang isang .9mm Rugger pistola ng baril, at armalite rifle na walang kaukulang dokumento.
Samantala, nadakip naman ng mga operatiba sa follow-up operation ang mga kasamahan ng mga ito na si Dumpit at Reyes sa Lagro Subd., Fairview, sa lungsod.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong anti-carnapping at anti fencing.