Manila, Philippines - Pinatindi ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ang kampanya nito laban sa mga isnaberong taxi drivers ngayong nalalapit na ang pasukan sa Hunyo.
Ayon kay LTO-NCR Director Teofilo Guadiz, round the clock na niyang pinagbabantay ang mga tauhan sa mga abalang lugar tulad ng mga malls, terminals at iba pa para hulihin ang mga driver ng taxi na namimili ng pasahero.
Anya, mula kahapon hanggang sa Hunyo 3 ay lalagi ang mga tauhan sa naturang mga lugar upang alalayan ang mga mag-aaral na magmumula sa mga lalawigan na papasok sa Metro Manila at mga estudyanteng nagtutungo sa mga malls para mamili ng gamit sa paaralan.
Sinabi rin ni Guadiz na nakipagtulungan na rin ang kanyang tanggapan sa pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para alalayan ang mga mag-aaral sa pasukan.
Binuksan din ng LTO NCR ang telepono bilang 438-86-88 at cell number 0915-8832662 para tumanggap ng reklamo at sumbong laban sa mga abusadong driver.