International telecom syndicate nalansag
Manila, Philippines - Nalansag ng pinagsanib na operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at People’s Republic of China ang isang notoryus na international telecom fraud syndicate matapos maaresto ang 37 Taiwanese at Chinese na miyembro ng sindikato sa serye ng raid sa dalawang subdibisyon sa Parañaque City, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., 21 sa mga nasakote ay mga Taiwanese at ang nalalabi naman ay mga Chinese nationals.
Ayon kay Pagdilao, dakong alas-7 ng umaga nang magsimulang magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na elemento ng Anti-Transnational and Cyber Crime Division ng CIDG at People’s Republic of China sa dalawang subdibisyon sa nasabing lungsod.
Bandang alas-7 ng umaga nang salakayin ng mga awtoridad ang isang bahay sa #30 Scotland St., Don Bosco, Better Living Subdivision kung saan nasakote ang 16 Chinese na miyembro ng transnational telecom fraud syndicate.
Nasamsam mula sa mga suspect ang sari-saring mamahaling mga kagamitan sa telecommunication at information technology na ginagamit ng sindikato sa ilegal nitong operasyon.
Sumunod namang sinalakay bandang ala-1:30 ng hapon ang isa pang bahay sa #10 Galatia St., Multi-national Village, Brgy. Moonwalk sa lungsod kung saan nasakote ang 21 namang Taiwanese nationals.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Mariano de la Cruz ng Regional Trial Court ng Manila.
Sinabi ni Pagdilao na isinagawa ang operasyon matapos na iparating sa kanila ang reklamo hinggil sa operasyon ng sindikato ng Chinese Police 15 man delegation sa pamumuno ni Major Zhou Tian Ping ng Wu Xi City Police Department na dumulog sa PNP-CIDG Headquarters sa Camp Crame, Quezon City upang malansag ang nasabing sindikato.
Nabatid na ang mga nasakoteng suspect ay sangkot sa pagsasagawa ng telecom at financial fraud sa People’s Republic of China simula noong 2007 kung saan ang mga biktima ay pawang mga dayuhan.
Ibinulgar ng opisyal na ang modus operandi ng sindikato ay ang gumamit ng internet na nagpapanggap na miyembro ng Chinese Police na sinasabing ginagamit sa money laundering at pagpopondo sa mga terorista ang bank accounts ng mga ito na umano’y matutulungan ang kanilang mga binibiktima na mailipat sa ‘safe account’ ang kanilang mga pera.
Lumilitaw pa na lumipat ng operasyon sa Pilipinas ang nasabing sindikato matapos malansag ng mga awtoridad ng China ang operasyon ng mga ito sa kanilang bansa noong 2010.
Natukoy naman ang base operations ng sindikato sa bansa matapos namang madiskubre ang Internet Protocol (IP) na ginagamit ng mga suspect. Idinagdag pa ni Pagdilao na ang matagumpay na pagkakalansag sa nasabing international syndicate ay patunay lamang ng partnership ng PNP at ng counterparts nito sa People’s Republic of China.
- Latest
- Trending