Japanese natagpuang patay sa condo
MANILA, Philippines - Blangko pa ang mga awtoridad sa sanhi ng pagkamatay ng isang Japanese national na nadiskubreng walang buhay sa loob ng tinutuluyang condominium unit sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Pinaniniwalaang may ilang oras nang patay ang biktimang si Masaki Kobayashi, 46, ng Shizuoka, Japan at pansamantalang nanunuluyan sa unit 1438 Riviera Mansion, sa 1638 A. Mabini St., Malate, Maynila.
Sa report ni SPO2 Gerardo Rivera ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-8:15 ng gabi nang matagpuang patay ang biktima sa loob ng kanyang tinutuluyang kuwarto ng hotel staff na sina Madeline Oreo, 27 at Jenneth Sizon, 46, matapos gamitan ng duplicate key ang silid nito.
Maliban sa hindi nakikitang lumalabas ng silid mula noong Mayo 25 ng hapon ang biktima, hindi rin umano nito sinasagot ang mga tawag sa kanya ng asawa at mga anak mula sa Japan at Australia kung kaya’t napilitan ang mga staff na buksan ang kuwarto. Dumating sa bansa ang biktima noong Abril 17, 2012 at nagcheck-in umano noong Mayo 20.
Base pa sa rekord, dapat ay uuwi na ito noong Mayo 8, 2012 subalit binigyan siya ng extension ng Bureau of Immigration hanggang Hunyo 15 ngayong taon.
Nakipag-ugnayan na rin sa Japan Embassy ang Homicide Section para sa disposiyon ng bangkay na maaring isalang sa awtopisya upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay.
- Latest
- Trending