MANILA, Philippines - Upang matiyak na maayos pa at ligtas sa lindol, sinimulan na ng mga opisyal ng Manila City Hall ang inspeksiyon sa mga paaralan sa lungsod kasabay ng nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 4.
Ayon kay Manila Mayor Alfredo Lim, kailangan na bigyan ng prayoridad ang kaligtasan ng bawat estudyante kung kaya’t sabay-sabay na titignan nina City Administrator Jay Marzan at building official Engr. Melvin Balagot ang istraktura ng mga paaralan.
Nabatid na umaabot sa 102 ang public elementary at high school sa lungsod na dapat na inspeksiyunin upang malaman kung maayos ang daluyan ng tubig, bubong at pundasyon.
Una nang ininspeksiyon ni Marzan ang mga dormitory sa lungsod kung saan pinaalalahanan nito ang mga may-ari ng boarding house na ipinagbabawal ang ‘mixed boarders’.
Inatasan din nito si media information bureau chief at chief of Staff Ric de Guzman na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang maisagawa ang fire at earthquake drills at maihanda ang mga estudyante.
Bukod dito, inatasan din ni Lim si barangay bureau director, Atty. Analyn Buan, na makipag-ugnayan sa mga barangay officials sa pagsasagawa ng clean-up operations sa paligid ng paaralan laban sa iba’t ibang uri ng sakit.
Aniya, hindi lamang sa umaga umaatake ang mga lamok na may dalang dengue kundi maging sa gabi lalo na sa pagsapit ng tag-ulan.