Naningil ng pautang...... Driver tigok, 2 sugatan sa pamamaril
MANILA, Philippines - Hindi inakala ng isang driver na ang kanyang paniningil sa isang security guard na may utang sa kanya ang ma giging dahilan ng kanyang kamatayan matapos na barilin habang dalawa pa ang nasugatan sa lungsod Quezon kamakalawa.
Kinilala ang nasawing biktima na si Nestor Dela Rosa, 54, driver, may-asawa ng No. 4494 Bambo St., P. De Leon, Valenzuela City habang ang suspect na kinilalang si Jonas Remedios, security guard at residente sa no. 113-C, Benitez St., Cubao sa lungsod ay nagtamo rin ng tama ng bala sa sikmura matapos namang mabaril ng rumespondeng si JO1 Jerwin Evangelista.
Bukod dito sugatan din ang miron na si Ronald Mangahas, 42 ng No. 96 Palawan St., Bago Bantay, Quezon City matapos tamaan ng ligaw na bala sa lugar.
Sa ulat ni SPO1 Eric Lazo, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Gen. Roxas St., Brgy. Soccoro sa lungsod ganap na alas-11 ng gabi.
Sinasabing ang nasawing si Dela Rosa ay driver ng Nissan Urban (UVU-770) na may biyaheng Rodriguez-Cubao at nagmamantine ng terminal sa harap ng isang fastfood chain kung saan naman ang suspect nakatalaga subalit naka day-off.
Ayon sa saksing si Richard Bautista, narinig niya sina Dela Rosa at Remedios na nagtatalo hingil sa umano’y utang ng huli sa una na hindi nito nababayaran dahilan para mauwi ito sa suntukan.
Dahil hindi umano kaya ni Remedios sa suntukan si Dela Rosa ay umayaw ito at kinuha ang kanyang service firearm, saka binalikan ang huli at pinagbabaril sa buong katawan.
Tiyempo namang napadaan sa lugar si JO1 Evangelista na papasok sana sa kanyang duty sa San Juan Jail at nakita ang pangyayari.
Dahil sa tawag ng tungkulin agad na rumesponde ang opisyal at sinabihan si Remedios na huminto sa pamamaril kay Dela Rosa. Pero sa halip na sumunod si Remedios ay si JO1 Evangelista pa ang tinangkang barilin nito kung kaya napilitan na ang huli na paputukan ito sa sikmura.
Matapos ang insidente, ay saka lamang nabatid na maging si Mangahas ay tina maan din ng ligaw na bala sa katawan, habang nakaistambay sa naturang lugar.
Isinugod ni JO1 Evangelista kasama ang ilang istambay sa Quezon City Memorial Medical Center sina Dela Rosa at Remedios pero idineklara ding patay si Dela Rosa, habang si Remedios ay inoobserbahan.
Isinugod naman sa East Avenue Medical Center si Mangahas kung saan ito kasalukuyang naka-confine.
Kusa namang isinuko ni JO1 Evangelista sa awtoridad ang kanyang baril at sarili para sa pagsisiyasat.
- Latest
- Trending