Publiko pinag-iingat sa e-load syndicate
MANILA, Philippines - Binalaan ng Manila Police District (MPD) ang publiko na may kapamilya na nagtatrabaho sa ibayong dagat na mag-ingat sa sindikatong nagpapanggap na kaanak upang makakuha ng malaking halaga ng cellphone load at kilatisin din umano ang e-load shop na maaaring kasabwat ng sindikato.
Ito’y matapos maghain ng reklamo sa Manila Police Distric-General Assignment Section ang isang Mary Jane Villafuerte Lu, ng Unit 2-F 1327 Masangkay St., Sta.Cruz, Maynila na natangayan ng halagang P33,810 ng tinaguriang “e-load syndicate” sa Ermita, Maynila.
Sa sumbong ng ginang kay SPO1 James Poso, naganap ang pangyayari sa pagitan ng Mayo 22-24, 2012.
Normal na umanong nagpapadala siya ng e-load sa mister na si Ben, isang chef ng BBC cargo ship, na ibinebenta nito sa mga kasamahan.
Natanggap umano niya ang text message na “Hon, ito na ang bagong number ko ngayon, roaming ito padalhan mo ako ng load”.
Inakala naman umano niya na ang mister ang nanghihingi kung kaya pinadalhan umano niya ito ng load.
Nang tawagan umano siya ng suki na si Elizabeth Macutin, nagulat siya nang sabihang umabot na sa P33,810 ang naipapadalang load sa kanyang mister kaya pinahinto niya ito.
Tinawagan umano niya ang mister sa dating numero at doon natuklasang wala siyang natatanggap na load at hindi siya ang nag-text na nanghihingi ng load.
- Latest
- Trending