MANILA, Philippines - Nasa kritikal ang buhay ng isang 42-anyos na lalaki makaraang mabundol at pumailalim pa sa isang rumaragasang pampasaherong bus habang nagbibisikleta ito sa Magallanes Interchange sa Makati City kahapon ng umaga.
Agad na isinugod sa Makati Medical Center ang biktimang nakilalang si Juanito Bartolome, ng Victor Apharador St., Pasay City. Nagtamo ito ng matitinding pinsala sa ulo at katawan.
Sumuko naman ang driver ng Yalong Bus (TXP-704) na si Luis Romeo Robidizo kung saan sumama pa ito sa pagdadala sa biktima sa naturang pagamutan.
Sinagot na rin umano ng pamunuan ng bus company ang gastusin sa pagpapagamot sa biktima.
Sa imbestigasyon ng Makati Traffic Police patungo sa may Buendia ang bus na galing sa South Luzon Expressway dakong alas-7:50 ng umaga nang mabundol ang nagbibisikletang biktima pagsapit sa Magallanes Interchange.
Kinuwestiyon naman ng pamunuan ng bus company kung bakit pinapayagan ng mga awtoridad ang pagbibisikleta sa isang national highway tulad ng Magallanes Interchange lalo na’t mabibilis ang mga behikulong dumaraan dito lalo na ang mga galing sa SLEX.