MANILA, Philippines - Isa na namang dayuhang diplomat ang nabiktima ng grupong ‘Akyat Bahay Gang’ makaraang looban ang tinutuluyang bahay ng isang British diplomat sa loob ng isa na namang eksklusibong subdibisyon sa Makati City.
Nakilala ang nabiktima na si Richard Edwards Karolyi, nanunuluyan sa Dasmariñas Village, ng naturang lungsod. Natangay sa biktima ang isang laptop computer at P1,000 cash.
Sa inisyal na ulat ng Makati City Police, nadiskubre ang nawawalang gamit at pera ng kasambahay ni Karolyi na si Mary Laysico dakong ala-1 kamakalawa ng hapon nang makitang nakabukas at hinalughog ang drawer at cabinet sa loob ng kuwarto ng amo.
Sa imbestigasyon, puwersahang winasak ng mga salarin ang likurang pintuan ng bahay at saka dumiretso sa kuwarto ni Karolyi. Inaalam naman ng pulisya ang tunay na pakay ng mga magnanakaw makaraang tanging ang laptop computer lamang ng diplomat at P1,000 cash ang kinuha at hindi pag-interesan ang iba pang gamit sa loob ng kuwarto.
Si Karolyi ay tumatayo bilang Director ng Asian Development Bank at kasalukuyang nasa United Kingdom nang pasukin ang kanyang tirahan.
Matatandaan na nitong Mayo 20, pinagnakawan din ang Iranian Ambassador na si Mohammadi Ali na natangayan ng pera, cellular phone, sunglasses sa kanyang bahay sa isa pang eksklusibong subdibisyon na Forbes Park Village sa Makati.