MANILA, Philippines - Magsasagawa ng traffic re-routing ang Makati City Public Safety Department dahil sa pagsasara ng ilang mga pangunahing kalsada sa loob ng tatlong araw na selebrasyon ng ika-342 “Cityhood Anniversary” nito ngayong darating na Biyernes hanggang Linggo.
Sinabi ni Public Safety Department head, Hermie San Miguel na isasara mula alas-10 ng umaga ngayong Biyernes hanggang Linggo ang magkabilang lane ng Makati Avenue mula Valdez Street hanggang Kalayaan Avenue upang bigyang daan ang “Sampiro de Makati grand parade”.
Kabilang din sa mga isasara sa Sabado ang Makati Avenue mula JP Rizal hanggang Jupiter Street; Valdez Street mula JP Rizal-Burgos Street; Nicanor Garcia mula JP Rizal-Jupiter; Jupiter mula N. Garcia-Makati Avenue at Burgos St. mula Anza-JP Rizal Street.
Pinayuhan ni San Miguel ang mga motorista na iwasan ang naturang mga kalsada at sumunod sa mga ilalatag nilang alternatibong ruta.
Pinapayuhan ang mga pampublikong sasakyan mula PRC tungo sa Guadalupe na dumaan sa Kalayaan, kumaliwa sa Pililia, kakanan sa Osmeña hanggang sa Bonifacio tungo sa destinasyon.
Ang mga galing naman ng Guadalupe tungo sa PRC o Taft Avenue ay padadaanin sa JP Rizal Street, kakanan sa E. Zobel, kakaliwa sa Osmeña hanggang sa destinasyon. Ang mga galing naman ng Mandaluyong tungo sa Central Business District at vice-versa ay gagabayan ng mga traffic enforcers sa ilalatag na re-routing.