Ex-OFW sa lansangan namatay

MANILA, Philippines – Isang 50-anyos na dating Overseas Filipino Worker (OFW) ang natagpuang patay kahapon ng umaga sa Ermita, Maynila, matapos maglayas sa loob ng tatlong taon, sa bahay nito sa Trece Martirez, Cavite. Kinilala ang biktimang si Ronald Sobrepeña, dating machine operator sa Saudi Arabia, batay sa natagpuang identification card sa mga dala-dala niyang gamit. Kinumpirma naman at kinilala ito ng kanyang pamangkin na si Christian Calma, 34.

“Dati nakatira siya sa D. Santiago St. sa Sampaloc ng kanyang misis tapos lumipat sila ng Cavite, matagal ko na ho siyang hindi nakikita at wala rin kaming balita sa kanya at kung bakit siya naglayas sa kanila,” ani Calma.

Isang security guard ang nakadiskubre sa bangkay ng biktima dakong alas-6:30 ng umaga kahapon bukod pa sa pahayag ng isang Lydia Martin, 58, na nagsabi namang may dalawang linggo na niyang nakikitang palabuy-laboy ang biktima sa Ma. Orosa St., malapit sa T.M. Kalaw. Hinihinalang may sakit ang biktima at inatake ito na nauwi sa kagyat na kamatayan. Dinala ang bangkay sa St.Yvan Funeral Homes para sa awtopsiya at safekeeping.

Show comments