2 bebot na wanted sa US, timbog

MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Quezon City Police ang dalawang babaeng wanted sa Estados Unidos dahil sa pagkakasangkot sa tangkang pag­tangay ng US$80 milyon sa isang internasyunal na banko.

Kinilala ni NCRPO chief, Director Alan Purisima ang mga nadakip na suspek na sina Marilyn Ong, 56, negosyante, ng Ecology Village, Brgy. Pio del Pilar, Makati City; at Edna Alfuerto, 55, treasury manager ng Stonework’s Company, ng Quezon City.

Naaresto ang dalawa makaraang magsampa ng reklamo ng negosyanteng si Thomas Lim sa Quezon City Police District (QCPD) nitong nakaraang Abril upang ipatupad ang paghahain ng warrant of arrest laban kina Ong at Alfuerto na inilabas ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 1 dahil sa paglabag sa pitong bilang ng Batas Pambansa 22 (Bouncing Check Law) na aabot sa halagang P5.5 milyon.

Isinagawa naman ng QCPD ang paghahain ng warrant of arrest kung saan unang nadakip si Ong at isinunod si Alfuerto.

Sa beripikasyon ng NCRPO, nabatid na sangkot din sina Ong sa isang kaso sa Estados Unidos ukol sa $80 milyong swindling scheme sa Export-Import Bank of US na isinasa­ilalim ngayon sa balidasyon ng US Department of Justice.

Nabatid din na sinampahan naman ng Kingdom of Belgium­ sina Ong at Alfuerto na nirerepresenta ang Unified Field Corporation (UFC) ng kasong sibil ukol sa pagpaparenta sa isang ari-arian na pag-aari ng naturang bansa. Kinatigan naman ng korte ang panig ng Kingdom of Belgium laban sa dalawang akusado.

Kasalukuyang hawak ngayon ng QCPD sa Camp Tomas Karingal ang dalawang naarestong suspek habang nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa US Embassy at Belgium Embassy.

Show comments