MANILA, Philippines - Walang naging problema sa isinagawang unang bahagi ng konsyerto ng Pop Diva na si Lady Gaga kamakalawa ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Inihayag ni Pasay City Mayor Antonino Calixto na walang ginawang paglabag sa ibinigay nilang permit sa mga producers at international singing star sa unang gabi ng konsyerto.
Wala rin namang naging problema sa seguridad ng naturang concert at maging sa daloy ng trapiko ngunit hindi pa rin kampante si Pasay City Police chief, Sr. Supt. Melchor Reyes na patuloy na maglalagay ng sapat na tauhan sa loob ng concert arena at sa bisinidad nito.
Sinabi ni Reyes na dumistansya sa mismong venue ng concert ang mga ‘Anti-Lady Gaga’ na nagsagawa ng mahinahon naman na protesta at tinapos nang maayos at matahimik ang kanilang pagkilos.
Kaugnay nito, nagtalaga pa rin ng 21 miyembro ng monitoring team ang pamahalaang lungsod ng Pasay sa 2nd night ng concert ni Lady Gaga kagabi.
Binigyang-diin pa ni Calixto na hindi nila maaaring supilin ang ‘freedom of expression’ ng mga nais manood ng concert ni Lady Gaga sa pamamagitan ng pagsusuot ng sari-saring “outfit” at paghahayag ng kanilang saloobin patungkol sa kanilang idolo.