MANILA, Philippines - Isa ang iniulat na nasawi habang 18 ang sugatan nang mawalan ng preno ang sinasakyan nilang pampasaherong bus at bumangga sa isa pang bus sa Otis St., Paco, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang pasaherong nasawi na si Erlinda Magallanes, 70, retired teacher, ng Bernadette Subdivision, Pandacan, na idineklarang patay sa Medical Center Manila bunga ng pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Ang iba pang biktima ay ginagamot naman sa nasabing ospital sa Sta. Ana Hospital, at iba pang kalapit na pagamutan, kabilang ang driver ng Pandacan Transport bus (NVC-585) na si Arnel Ampinoquio, na nagsabing nawalan siya ng preno.
Nabatid na dakong alas-9:15 ng umaga kahapon nang maganap ang insidente sa Otis St., nang mawalan ng kontrol si Ampinoquio sa minamanehong bus at mabangga ang isa pang Pandacan Transport bus (TYV-520) na minamaneho ni Renato Pamplonas na may sakay na 11 pasahero.
Si Ampinoquio ay nasa kustodya na ng MPD-TEU habang inihahanda ang mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injury at damage to property sa Manila Prosecutor’s Office.