Kelot tinarakan ng 3 naka-bonnet

MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki habang kritikal ang kaibigan nang pagsasaksakin ang mga ito ng tatlong hindi pa kilalang mga suspek na naka-bonnet sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang nasawi sanhi ng mga sak­sak sa katawan na si Joenel Bañas, 47, ng Sta. Ana, Pampanga.

Nilalapatan naman ng lunas sa Quezon City General Hospital sanhi ng mga saksak sa ka­tawan ang kasama nitong si Ronnie San Jose, 31, ng Baesa Rd., Caloocan City.

Lumalabas sa report ng Station Investigation Division (SID), Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Gumamela St., Baesa ng nabanggit na lungsod.

Habang naglalakad ang mga biktima sa nabanggit na lugar papauwi sa kani-kanilang bahay, nang lapitan at pagsasaksakin ang mga ito ng tatlong suspek na naka-bonnet kung saan dead- on-the-spot si Bañas.

Nabatid na bago ang insidente ay nakipag-inu­man ang biktima malapit sa bahay ni San Jose.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.  

Show comments