Kelot tinarakan ng 3 naka-bonnet
MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki habang kritikal ang kaibigan nang pagsasaksakin ang mga ito ng tatlong hindi pa kilalang mga suspek na naka-bonnet sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi sanhi ng mga saksak sa katawan na si Joenel Bañas, 47, ng Sta. Ana, Pampanga.
Nilalapatan naman ng lunas sa Quezon City General Hospital sanhi ng mga saksak sa katawan ang kasama nitong si Ronnie San Jose, 31, ng Baesa Rd., Caloocan City.
Lumalabas sa report ng Station Investigation Division (SID), Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Gumamela St., Baesa ng nabanggit na lungsod.
Habang naglalakad ang mga biktima sa nabanggit na lugar papauwi sa kani-kanilang bahay, nang lapitan at pagsasaksakin ang mga ito ng tatlong suspek na naka-bonnet kung saan dead- on-the-spot si Bañas.
Nabatid na bago ang insidente ay nakipag-inuman ang biktima malapit sa bahay ni San Jose.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
- Latest
- Trending