MANILA, Philippines - Sa kagustuhang makuha ang naiwang pera habang naglalagablab ang kanyang bahay, isang lalaki ang nasawi matapos na ma-trap sa loob at masunog sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Wala nang buhay nang matagpuan ang sunog na bangkay ng biktimang si Allan Billones habang nakahandusay sa loob ng kanyang bahay sa Halcon St., Brgy. San Isidro Labrador, La Loma sa lungsod.
Ayon sa misis nitong si Emelita Bacus, nakita niyang umakyat muli sa kanilang nasusunog na bahay ang mister matapos na mailigtas ang tatlo nilang anak pero hindi na nakalabas. Matapos ang sunog ay saka nila nakita ang walang buhay na katawan nito.
Sa ulat ni SFO3 Sherwin Penafiel ng BFP, nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng kuwarto ng isang Ma. Luisa Retulla ganap na ala-1:38 ng madaling-araw.
Sinasabing kaseselebra lang ng naturang lugar sa pista ng San Isidro Labrador kung kaya nagkaroon ng kasayahan at inuman.
Mabilis na kumalat ang apoy, hanggang sa madamay ang katabing bahay ng pamilya ng biktima.
Agad namang nakaligtas si Bacus kasama ang tatlo niyang anak, pero pilit umanong bumalik si Billones dahil sa naiwan nitong pera.
Makalipas ang ilang oras, matapos na ideklarang fire-out ang sunog ganap na alas-2:50 ng madaling-araw ay saka natagpuan ang bangkay ng biktima.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, umabot sa ika-apat na alarma ang sunog kung saan anim na bahay ang natupok ng apoy at anim na pamilya rin ang naapektuhan.
Aabot naman sa P400,000 halaga ng ari-arian ang napinsala, habang inaalam pa ang ugat ng naturang sunog.